Ni LILY REYES
MATAPOS malagay sa peligro ang daan-daang pasyente, minabuti ng Department of Interior and Local Government (DILG) atasan ang Bureau of Fire Protection busisiin ang electrical system ng century-old Philippine General Hospital.
Para kay DILG Sec. Benhur Abalos, hindi na dapat mauulit pa ang insidente kunsaan natupok ng apoy ang isang bahagi ng ospital kung saan nagpapagamot ang mga pasyenteng may kanser.
Sa pagbisita ni Abalos para tiyakin nasa mabuting kalagayan ang mga pasyente, partikular na pinasisilip ng Kalihim si BFP-National Capital Region Director Nahum Tarroza ang electrical system ng ospital sa kahabaan ng Taft Avenue sa lungsod ng Maynila.
Pinapurihan din ng DILG chief ang mga tauhan ng PGH sa kahandaan at mabilis na pagresponde. Binigyang-pagkilala ni Abalos ang mga kawani ng ospital sa maagap na kilos para tiyakin ang kaligtasan ng mga pasyente.
“I would like to congratulate PGH, alam n’yo ba in just 15 minutes kaagad nilang natiyak ang kaligtasan ng mga tao. Ibig sabihin may system at fire drill sila. Napakaganda ng ginawa nila,” ani Abalos.
Sa kabuuan, umabot sa 896 pasyente at tauhan ng ospital ang inilikas.
Samantala, pinuri din ni PGH Director Dr. Gerardo Legaspi ang lupon ng pamatay sunog sa agad na pagresponde at mabilis na pag-apula ng sunog. Aniya, tumagal lang ng 10 minuto ang insidente dahil sa sabayang pagtugon ng 13 fire trucks at ambulansya.
