Ni LILY REYES
NALANSAG ng mga kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong notoryus na carnapping syndicate kasabay ng pagkadakip sa siyam na indibidwal at pagbawi sa 19 na nakaw na sasakyan at mga motorsiklo sa ikinasang anti-carnapping operations sa Quezon City.
Partikular na tinukoy ni QCPD Director Brig. Gen. Redrico Maranan ang pagbuwag sa carnapping syndicates – Casiano Group, Jasareno Group at Mamac Group, kung saan siyam na hindi pinangalanang suspek ang dinakip at sinampahan ng kabi-kabilang asunto.
Kabilang naman sa mga narekober na sasakyan ang limang sedan, anim na SUV, isang pick-up at pitong motorsiklo.
Ayon kay Maranan, nagkasa ng anti-carnapping operations ang QCPD District Anti-Carnapping Unit sa pamumuno ni Police Major Hector Ortencio at nakasakote ang karamihan sa mga miyembro ng sindikato.
Paliwanag ni Maranan, nag-ugat ang operasyon sa magkakasunod na kaso ng mga rent-tangay modus sa Quezon City.
Modus ng mga suspek na magpapanggap na kostumer at magprisinta ng mga pekeng dokumento para rentahan ang sasakyang kalaunan ay tatangayin na.
Nabatid na ilan sa mga narekober na sasakyan ang ‘tampered’ na at muntik nang maibenta.
Kaugnay nito, dalawang biktima na ang nagtungo sa QCPD para bawiin ang kani-kanilang sasakyan na 2023 pa tinangay ng sindikato.
Nanawagan din ang QCPD chief sa mga nabiktima ng rent-tangay na magtungo sa QCPD headquarters para iberipika kung kasama ang nawawalang sasakyan sa mga narekober ng pulisya.
