
Ni LILY REYES
TANGING ang Commission on Elections (Comelec) ang magpapasya kung pahihintulutan maghain ng kandidatura bilang alkalde ng Bamban, Tarlac ang kontrobersyal na si Alice Guo.
Sa isang pulong-balitaan sa Philippine Information Agency (PIA) sa Quezon City, tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na susunod ang kawanihan sa patnubay ng Comelec.
Gayunpaman, nilinaw ni BJMP spokesperson Jayrex Bustinera na kailangan muna maglabas ng utos ang korte kung personal na maghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ang sinibak ng Bamban mayor.
Ani Bustinera, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng BJMP sa Comelec sa hangaring mapaghandaan ang koordinasyon sa seguridad ng pangunahing suspek sa kasong human trafficking, graft, at iba pang bulilyaso sa likod ng illegal POGO.
“Ongoing ang coordination namin sa Comelec, basta ang guidance ay ang Comelec, basta pag papayagan ng Comelec ang pag-file niya, at may court para siya ay mag file, susunod lang kami,” wika ng tagapagsalita ng BJMP.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ng Comelec na hindi pwedeng pigilan si Guo na tumakbo dahil nakabinbin pa naman aniya mga kaso sa husgado.
Ang magagawa lamang aniya ng BJMP ay magbigay ng mga escort kay Guo at tiyakin ang kanyang kaligtasan kung papayagan siya ng Comelec at ng korte na maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC).
“Sana as much as possible kung pwede lang representative para di na sya lalabas ng kulungan,” mungkahi pa ng opisyal.
Kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail Female Dormitory ang na-dismiss na alkalde ng Bamban kasama ang 43 iba pang PDL.
Sa pagbanggit sa mga nakaraang karanasan, sinabi ni Bustinera na pinayagan ng Comelec ang mga PDL na lumahok sa isang halalan.
Noong 2023 barangay elections, dose-dosenang detenido ang kumandidato. Sa nasabing bilang, anim ang nanalo bilang kagawad ng barangay.
“Sa experience namin, pinapayagan ang nakakulong, but for. . specific kay Alice Guo, we are coordinating with the Comelec… same pa rin ba? Papayagan ba nila,” ani Bustinera.
Sa ilang mga kaso kung saan ang mga PDL ay binibigyan ng green light na tumakbo, sinabi ng opisyal na ang bureau ay palaging susunod ngunit ang mga detainee-bet ay hindi maaaring mangampanya tulad ng karaniwang ginagawa ng mga kandidato.
“Mga kamag-anak nila ang nangampanya… dito sa kulungan, pwede sila proxy campaigning, bawal (personal) na mangampanya, even social media bawal, bahala na sila kung paano,” giit ng opisyal.
Dagdag pa niya, mahigpit ang kautusan ni BJMP chief Director Ruel Rivera sa lahat ng opisyales at kawani ng ahensya ang pagiging neutral sa pulitika.