Ni Ernie Reyes
TINIYAK ni Senador Raffy Tulfo sa ilang opisyal at estudyante ng Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa, Maynila na aaksiyunan ng kakulangan ng badyet sa pagkukumpuni ng mga sirang palisidad at gusali.
Sa pahayag, sinabi ng tanggapan ni Tulfo na nagsagawa ng ocular inspections ang mambabatas alinsunod sa kahilingan ng ilang estudyante hinggil sa kalunos-lunos na kalagayan ng ilang pasilidad ng pamantasan.
Partikular na inireklamo ng estudante ang laboratoryo sa College of Engineering and Architecture na nakumpirma ng mambabata sa isinagawang ocular inspections.
Napansin ni Tulfo na napaglipasan na ng panahon ang mga laboratory equipment ng Engineering Department doon at hirap pang paandarin, ang iba ay nagmistula pang junk. Naroon din daw ang mga butas-butas na bubong, mga sahig sa second floor na gawa sa kahoy na tumutunog-tunog pag dinadaanan at tila bibigay na.
May mga gusaling kailangan ng i-renovate at maraming silya doon na nangangalawang at marupok na sa kalumaan, mala-pugon na hallways at classrooms na sobrang init dahil kapos sa ventilation, walang ceiling fans.
Ang mga elevators sa iba’t ibang gusali ay sira, na dapat sana’y pinapakinabangan ng mga estudyanteng PWD.
Sa basketball court nito, sa daming tuklap ng semento, baka hindi na mag-bounce ang bola. Ang matindi pa, ang mga kable ng kuryente ay lumalawit sa loob ng gym na maaaring makaaksidente.
Ilan sa mga gusali ay walang kuryente dahil sa mga ginagawang konstruksyon. Ang isa pa nga doon na project ng DPWH ay halos isang taon nang kinokonstruct pero paghuhukay pa lang ang nagagawa.
Kapansin-pansin din ang nagkalat na mga tinambak na binasurang gamit sa iba’t ibang lugar sa campus na maaaring pagpugaran ng mga lamok at maging sanhi ng dengue.
Ayon kina University President Manuel M. Muhi at Vice President for Administration Adam V. Ramilo, taon-taon, ang budget na inilalaan ng Kongreso para sa unibersidad ay tinatapyasan ng Department of Budget Management (DBM) kaya tali ang kanilang mga kamay sa paggawa ng karampatang building improvements at pagbili ng mga modernong kagamitan.
Nangako si Tulfo kay Muhi at Ramilo na tutulong siyang maipaglaban ang pondo ng PUP sa susunod na budget hearing ng Senado para mapaayos at mapaganda ang PUP lalo pa’t nang malaman niya na marami sa mga estudyante rito ay mga anak ng OFWs.
Bago umalis si Tulfo, marami siyang inirekomendang dapat gawin base sa kanyang mga nakita, kabilang na dito ang pagsasagawa ng structural integrity check at seismic retrofitting sa mga lumang gusali rito para na rin sa kaligtasan ng mga estudyante at ng lahat ng kawani ng unibersidad.