DUGUAN at wala ng buhay nang matagpuan ang isang 32-anyos na babaeng pinatay di umano ng karelasyong dating pulis sa loob ng motel sa Sta. Mesa sa lungsod ng Maynila.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa pangalang Charmaine Medina ng Lallana Extension, Tondo , Maynila.
Sa imbestigasyon, lumalabas na isang Rogelio Magsino Jr. ang kasama ng biktimang pumasok sa naturang motel. Gayunpaman, hagip sa CCTV ang paglisan kinabukasan ng lalaking nakasuot ng bull cap, berdeng kamiseta at short pants – na kalaunan ang nakumpirmang kasama ng biktima nang pumasok sa naturang panuluyan.
Sa interogasyon ng Manila Police District (MPD) sa mga empleyado ng nasabing motel, wala naman di umano silang narinig na putok o komosyon man lang sa solid na tinuluyan nina Medina at Magsino.
Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, napag-alamang magkarelasyon sina Medina at Magsino.