CIENTO-por ciento na ang nakalatag na seguridad na ikinasa ng Philippine National Police (PNP) para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 24 ng kasalukuyang taon.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Brig. Gen. Redrico Maranan, walang nakikitang seryosong banta ang pambansang kapulisan sa pagdaraos ng taunang ulat ng Pangulo sa Batasang Pambansa – sa kabila pa ng kabi-kabilang kilos protesta ng mga militanteng grupo at ang pagsipa ng tatlong araw na tigil-pasada ng mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ani Maranan, sapat na ang 22,000 pulis at force multiplier para tiyakin ang kaayusan sa buong Metro Manila sa mismong araw ng SONA, kasabay ng giit na hindi limitado sa Batasan Complex ang inilatag na seguridad ng PNP.
Nanawagan din ang PNP sa mga magsasagawa ng mga kilos-protesta na sundin ang panuntunang kalakip ng iginawad na permiso ng lokal na pamahalaan.
Batas sa datos ng PNP, apat na militanteng grupo ang binigyan ng permiso ng Quezon City government.
Nangako rin ang PNP na maximum tolerance ang paiiralin sa mga isasagawang kilos-protesta.