HINDI na nagawa pang pumalag ng isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) matapos dakpin sa aktong pangongotong sa isang negosyante sa lungsod ng Maynila kamakailan.
Arestado sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation – Anti Organized and Transnational Crime Division si Rene Palgan na tumatayong district director ng Manila International Container Terminal.
Sa kalatas ng BOC, nagpahayag ng pagkadismaya ang pamunuan ng ahensya matapos sumambulat ang balita kaugnay ng pangongotong ni Palgan kaladkad pa ang pangalan ng kawanihan.
Ayon kay NBI Deputy Director Reynaldo Esmeralda, huli sa akto si Palgan habang tinatanggap ang P50,000 mula sa negosyanteng may naipit na kargamento sa MICT. Isinagawa ang entrapment operation sa mismo ng tanggapan ng suspek.
Batay sa reklamo ni Rose Anne De Luna, isang customs broker, pilit di umano silang hinihingan ni Palgan ng salapi kapalit ng pag rerelease ng imported linoleum na laman ng naipit nilang kargamento.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI si Palgan na nahaharap sa patong-patong na kaso, kabilang ang direct bribery at paglabag sa umiiral na batas kontra katiwalian.
Bago pa man naganap ang pag-aresto kay Palgan, nagpulong sina Rubio at Justice Secretary Crispin Remulla kaugnay ng mag pinaigting na polisiyang naglalayong ‘sampolan’ ang mga sumisira sa imahe ng kawanihan.