
ANG dapat sana’y operasyon kontra negosyong hindi rehistrado, nauwi sa pagkabisto ng sandamakmak na harina at asukal sa pagsalakay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isang malaking bodega sa lungsod ng Quezon.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., hindi rin nagbabayad ng buwis ang kumpanya sa likod ng naturang pasilidad sa kahabaan ng Sgt. Rivera Street mula pa taong 2019 – bukod pa sa hindi pag-iisyu ng resibo ng J. Poon and Sons na aniya’y malinaw na paglabag sa National Internal Revenue Code.
Sa pagtataya ng BIR, papalo sa P2 bilyon ang kabuuang tax liability ng sinalakay na establisyemento sa kahabaan ng Sgt. Rivera St. sa nabanggit na lungsod.
Patuloy naman ang isinasagawang imbentaryo ng kumpiskadong harina at asukal – gayundin ang mga computers na gamit sa operasyon ng naturang kumpanya.
Pagtitiyak ni Lumagui, sasampahan ng kaukulang kaso ang J. Poon and Sons.