SA hangarin pababain ang bilang ng krimen sa kabisera, inatasan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang nasa 897 barangay chairman magkabit ng hindi bababa sa 10 CCTV sa nasasakupan.
Sa isang panayam kay Manila District 1 Councilor Jhun Ibay na tumatayong Chairman ng Committee on Peace and Order and Public Safety, partikular na tinukoy ng konsehal ang ordinansang pinagtibay ng konseho — ang City Ordinance 9152 o Barangay CCTV Ordinance of 2025.
Ayon kay Ibay na may akda ng nasabing ordinansa, malaking bentahe sa crime prevention sa lungsod ang mga CCTV sa lansangan.
Gayunpaman, nilinaw ni Ibay na hindi sapat ang CCTV kung hindi paiigtingin ang pagtutulungan at ugnayan sa pagitan ng barangay at Manila Police District (MPD).
Aniya, higit na kailangan ang mga CCTV camera sa mga “strategic areas” kung saan kadalasan nangyayari ang krimen.
Babala pa ng konsehal, may karampatang parusa ang mga barangay officials na hindi tatalima sa nasabing ordinansa.
