HINDI pa man nagtatagal sa pwesto, laglag agad si Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) si Col. Hansel Marantan kaugnay ng bulilyasong hulidap ng mga tauhan sa Paranaque City kamakailan.
Paglilinaw ni CIDG Director Brig. Gen. Romeo Caramat, sinibak si Marantan batay sa doktrina ng ‘command responsibility’ matapos ireklamo ang 12 operatiba ng pangongotong sa mga Chinese nationals na nahuli sa isang sugalan sa Paranaque City nito lang nakaraang Lunes.
Bukod kay Marantan, kabilang sa mga sinibak ang tatlong organic CIDG operatives at 10 non-commissioned officers sa ilalim ng CIDG-NCR.
Reklamo ng mga biktima, mitulang akyat-bahay ang estilo ng mga operatibang tumangay ng P3-milyong cash na laman ng vault, mga mamahaling relo na suot ng mga inarestong sugarol, mga signature bags at iba pang alahas.
Bukod sa mga natangay na pera, alahas, bag at iba pang personal na pag-aari, hiningan pa di umano sila ng P10 milyon para hindi na kasuhan.
Dito na aniya dumulog kay PNP Deputy Chief Lt. Gen. Rodel Sermonia ang mga Chinese nationals.