
TUMATAGINTING na P80-milyong halaga ng drogang inangkat pa mula sa bansang Pakistan ang kumpiskado sa sabayang operasyon ng mga operatiba mula sa Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa kalatas ng BOC, arestado rin sa operasyon ang isang nagngangalang Rose Sarvano mula sa Eastern Samar.
Batay sa record ng kawanihan, idineklara bilang ‘terry towels’ ang kargamentong dumating sa bansa noong Marso 7 mula sa Pakistan at inilagak sa PairCargo warehouse kung saan nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng BOC-NAIA.
Gamit ang makabagong x-ray scanners, nasilip ang kaduda-dudang imahe sa kargamento – dahilan para buksan ang kargamento sa harap ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang katuwang na ahensya.
Nang buksan ang kargamento, nabisto ang drogang ikinubli sa mga ‘winter jackets’ na laman ng kahon. Sa imbentaryo, tumimbang ang droga ng mahigit sa 11.5 kilo (katumbas ng halos P80 milyon sa blackmarket).
Matapos suriin – positibong droga ayon mismo sa PDEA.
Dito na nagkasa ng joint operation ang BOC at PDEA hanggang sa madakip ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa layuning matukoy ang iba pang kasapakat sa modus pulis-droga sa NAIA.