HINDI na kasali sa talaan ng mga kandidato para sa posisyon ng kongresista sa unang distrito ng Taguig si former Mayor Lino Cayetano.
Sa 14-pahinang desisyon ng Taguig Regional Trial Court Branch 153, inatasan ng husgado ang Commission on Elections (Comelec) na burahin sa talaan ng mga botante sa Barangay Ususan ang pangalan ng dating alkalde – gayundin ang kabiyak na si Fille.
Giit ng korte, kulang sa anim na buwan ang paninirahan na mag-asawang Cayetano sa Barangay Ususan.
Batay sa mga dokumentong kalakip ng petisyon, lumalabas na lumipat ang mag-asawa sa Essensa Condominium sa BGC noong 2023 – at bumoto sa Barangay Fort Bonifacio noong nakaraang Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Paliwanag ng husgado, ang pag-upa ng mag-asawang Cayetano sa isang unit sa Essensa Condominium sa BGC at pagboto sa Barangay Fort Bonifacio ay patunay na hindi na nila itinuturing ang sarili nila bilang residente ng Barangay Ususan.
Malaking bentahe rin umano ang testimonya sa korte ang family driver at security aide na umamin na sa Essensa Condominium pa nakatira ang mag-asawang amo noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Gayunpaman, nilinaw ng korte na pwede pa rin kumandidato ang dating alkalde ng Taguig sa first congressional district.
