
MALAMIG na bangkay na nang matagpuan sa loob ng isang abandonadong SUV ang 68-taong gulang na doktor sa Quezon City.
Sa report ng pulisya, isang tawag sa telepono mula sa isang security guard ang natanggap ng himpilan hinggil sa abandonadong SUV sa kahabaan ng Mindanao Avenue Extension sa may Barangay Pasong Putik.
Maliban sa edad at propesyon, hindi pa muna pinangalanan ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima.
Batay sa imbestigasyon, isang pares ng gunting ang ginamit upang patayin ang biktima bago ito pagnakawan. Kumbinsido rin ang QCPD na pagnanakaw ang motibo ng krimen dahil nawawala umano ang mobile phone, wallet at pera ng biktima.
Samantala, arestado naman sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng QCPD ang suspek. Narekober din sa arestadong indibidwal ang ATM card at nail cutter na pag aari ng doktor. (LILY REYES)