SA hangarin ibalik ang ningning at dignidad ng lungsod, binalaan ni Mayor Isko Moreno ang mga pusakal at pugante na umiwas sa Maynila.
Naglagas ng babala si Moreno, kasabay ng presentasyon ng dalawang indibidwal na pasok sa kategorya ng most wanted.
Para kay Moreno, walang puwang sa Maynila ang krimen kasabay ng isang garantiya — “Siguradong hindi kayo makakapagtago sa aming Manila Police District.”
Mensahe ni Moreno sa mga utak-sindikato — “Seryoso kami. Hindi kami titigil sa pagtugis sa mga masamang loob na pilit gagawa ng krimen sa aming lungsod.
Partikular na tinukoy ni Moreno ang dalawang indibidwal na umano’y nambibiktima sa LRT. Kapwa nasakote ng MPD ang mga suspek na kalaunan ay lumabas na kabilang sa Most Wanted sa Maynila.
Parehong may kasong murder na nakabinbin sa husgado ang mga suspek.
“Kaya ngayon magpapasko baka maraming gustong bumalak… I’ve been telling everyone, basta ginawa n’yo sa Maynila magtago na kayo,” babala pa ng alkalde.
Para kay Moreno, ang mga taga-Maynila may karapatan mamuhay ng may kapanatagan. (JULIET PACOT)
