
SUGATAN ang anim na pasahero nang salpukin ng isang rumaragasang Isuzu Elf ang sinasakyang jeep sa Barangay North Fairview sa Quezon City kamakailan.
Kinilala ang nasugatang mga pasahero na sina Carlos Miguel Lagmay Chan, Princess Eman Norono; Lily Mangandire; Analyn Eboses; Yushre Macandiri, 3-anyos, at isang lalaking hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
.
Sa ulat ng ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5, bandang 9:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng southbound lane ng Commonwealth Avenue sa nabanggit na lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSMS Hebry Tingle ng Traffic Sector 5, kapwa binabaybay ng pampasaherong jeep (TBS 865) na minamaneho ni Melchor Padua at ng Isuzu Elf (UVY 752) na minamaneho naman ni Eduard Dignadice Andiano ang kahabaan ng Commonwealth galing Fairview patungo sa Elliptical Road, sa Barangay North Fairview.
Pero pagsapit bahagi ng Commonwealth Avenue na malapit sa Namapa Compound, sinuro ng trak ang pampasaherong jeep. Sa lakas ng salpukan, sugatan din sa insidente sina Padua at Andiano.
Agad na isinugod ng mga rumespondeng rescue team ng Quezon City at North Fairview Ambulance Team ang mga biktima sa East Avenue Medical Center para agarang bigyan ng lunas.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya habang inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa driver ng trak.