SA dinami-dami ng pupuntiryahin, alkalde pa ang napili ng isang hindi pa natutukoy na taong gumagamit sa pangalan at larawan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pangingilak ng pera.
Sa kalatas ng Quezon City government sa official Facebook page ng lungsod, nanawagan ang alkalde sa publiko na maging mapanuri sa mga mensaheng pinadadaan sa social media mula sa mga nagpapanggap na “Joy Alimurung Belmonte.”
Paglilinaw ni Belmonte, hindi siya ang nasa likod ng pekeng Facebook account.
Sa isang screenshot na inilabas ng pamahalaang lungsod, kabilang ang mga kapitan ng barangay sa mga nabiktima.
“Mag-ingat sa poser account na ito na nagpapanggap bilang si Mayor Joy Belmonte. Ito po ay isang pekeng account na ang layunin ay manlinlang at manggulo ng ating QCitizens.” ayon sa pahayag ng pamahalaang lungsod.
Hinikayat rin ang sinumang nabiktima at makakatanggap ng mensahe mula sa kaduda-dudang FB account na makipag-ugnayan agad sa kinauukulan.
“Kung kailangan makipag-usap sa lokal na pamahalaan, mangyaring tumawag sa HELPLINE 122 o makipag-ugnayan sa ating district officers at coordinators lamang. Sana po ay tayo’y maliwanagan at hindi maniwala sa mga ganitong klaseng panlilinlang.”