DETERMINADO si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na maglabas ng P7.4 milyon mula sa Special Health Fund para tustusan ang liver transplant ng limang batang Manilenyo na magpapaopera sa bansang India.
Inihayag ng alkalde na apat sa mga batang pasyente ay nakatakdang operahan sa Indraprastha Medical Corporation Ltd na ang bawat isa ay gagastusan ng $29,000 habang ang isa naman ay dadalhin sa Max Healthcare Institute Limited na aabot sa $8,400 ang gastos.
Sa kanyang pakikipag-usap sa magulang ng mga batang pasyente, siniguro ng alkalde na ang Pamahalaang Lungsod at Manila taxpayers ay nasa likod ng bawat pamilyang inihahanda ang kanilang anak na maisalba ang buhay sa gagawing operasyon sa ibang bansa.
“Gusto ko lang ipaalam sa inyo na ang panalangin ninyo ay tinutugunan ng City Government at ng taxpayers ng Maynila. Magpasalamat kayo sa Diyos at sa taxpayers ng Maynila,” pahayag ni Domagoso matapos personal na iabot sa bawa’t magulang ang dokumento sa paglabas ng pondo at ginabayan sa mga hakbang para sa prosesong medikal at paglalakbay.
Labis naman ang pasasalamat ng mga magulang kay Domagoso lalu na’t ibinahagi sa kanila ng alkalde ang mga nauna na nilang natulungan na naging matagumpay ang operasyon kaya hinikayat na umasang magtatagumpay rin ang operasyon sa kani-kanilang anak.
Tinukoy ng alkalde na malapit-lapit na ring magsagawa ng liver transplant ang mga Pinoy surgeons upang sa kalaunan ay hindi na kailangang ipadala pa ang pasyente sa mga ospital sa ibang bansa tulad ng binisita niyang pasyente noong Nobyembre 18 na matagumpay na naisagawa ang pediatric liver transplant sa UP Philippine General Hospital (UP-PGH) na pinondohan ng P30 milyon mula sa donasyon ng mga may mapagkawanggawa sa unang termino niya bilang alkalde. (JULIETA PACOT)
