BINULAGA ng hindi bababa sa 10,000 katao ang kahabaan ng EDSA bilang kilos-protesta sa umano’y panggigipit ng administrasyon laban sa mga nagbulgar ng malawakang katiwalian sa pamahalaan.
Hindi pa man sumisikat ang araw nang simulan ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) punuin ang northbound lane sa bahagi ng EDSA People Power Monument para lumahok sa kilos-protesta laban sa administrasyon.
Agad naman rumesponde ang pulisya, gayundin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para tiyakin ang kaayusan sa pagtitipon ng mga raliyista.
Gayunpaman, makailang ulit na tumaas ang antas ng tensyon na humantong sa pagdakip ng apat na hindi pa pinangalanang indibidwal. Sa gitna ng kaguluhan, dalawang pulis naman ang sinasabing nasaktan.
Sa palasyo, kinansela ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga nakatakdang pulong at iba pang aktibidad para i-monitor ang kaganapan sa EDSA.
Sarado na rin lahat ng kalsada patungo sa Malacañang.
Sa kaugnay na balita, naglabas ng pahayag ang INC. Anila, suportado ng kapatiran ang kilos-protesta laban sa anila’y panggigipit ng administrasyon sa mga nagsusulong ng “transparency” at “accountability” sa gitna ng malawakang katiwalian na kinasasangkutan ng mga kaalyado ng Pangulo.
Ayon sa tagapagsalita ng INC, pilit umanong binubusalan ng administrasyon ang mga pumupuna sa gobyerno.
“Hindi tutol ang Iglesia ni Cristo sa pagpapatupad ng batas, pero tutol kami sa pagbaluktot sa batas lalo na kung ang layunin ay para pagtakpan ang katiwalian,” ayon kay INC Spokesperson Edwin Zabala.
Dinepensahandin ni Zabala si Senador Rodante Marcoleta sa napipintong pagsasampa ng kasong plunder ng Office of the Ombudsman.
“Gaya ng alam ng marami, si Senator Dante Marcoleta ay nanguna sa pag-iimbestiga sa isa sa pinakamalaking pandarambong na naganap sa ating kasaysayan,” ani Zabala.
“Ang ipinagtataka namin, ay kung bakit siya na nagsusulong sa pag-expose ng mga sangkot sa napakalaking pagnanakaw sa Pilipinas ang kakasuhan at ipakukulong sa halip na ang mga na-expose.”
Tilugsa rin ng INC ang kasong plunder laban sa senador na isang non-bailable offense.
“Ang ikakaso kay Senator Marcoleta ay plunder na isang non-bailable crime. Samakatuwid, ipapakulong siya at hindi pwedeng mag piyansa hanggang hindi natatapos ang paglilitis sa kaniya,” ayon sa pahayag.
“Sa madaling salita ay hindi niya na maitutuloy ang paglalantad o pag-eexpose sa mga sangkot sa pandarambong na naganap,” aniya pa.
Giit pa ni Zabala, hindi maituturing na plunder ang pagtanggap ng campaign donations. Katunayan aniya, naglabas na ng desisyon ang Commission on Elections na walang krimen sa pagtanggap ng donasyon ni Marcoleta.
“Kahit ipakulong nila si Senator Marcoleta ay hindi kami titigil sa paghingi ng katarungan para sa mga kababayan natin na ninakawan,” aniya.
“Gusto lang namin ipaalam sa kanila na isang injustice ang selective justice at hindi kami nananahimik sa harap nitong napakalaking pagyurak sa katarungan na hinihingi ng ating mga kababayan,” dagdag pa ng INC.
