NAKAPAGTALA ang Quezon City ng napakataas na 201 porsiyentong pagtaas sa kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD).
Ayon sa Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QC-ESU), nakapagtala ng 268 bagong kaso ng HFMD mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 26 o 67 kaso kada linggo.
Nasa 74 porsiyento ng kaso ay mga bata sa pagitan ng zero hanggang apat na taon.
Nasa 163 ang mga lalaki habang 105 ay babae.
Nabahala naman ang mga health officials sa pagtaas ng kaso.
“The current rise of cases is beyond the epidemic threshold, that is above the expected increased rate of cases in the coming weeks,” ayon sa report ng QC-ESU.
Walang nasawi na naireport kung saan pinakamataas ang sa Barangay Commonwealth at Barangay San Antonio na nakapagtala ng 16 kaso kasunod ang Barangay Veterans Village sa 15 kaso.
Nakapagtala naman ng 10 kaso sa Barangay Tandang Sora habang sa Barangay Apolonio Samson at Barangay Holy Spirit ay siyam na kaso.
Pinaalalahanan ng QC-ESU ang publiko na mag-ingat at gawin ang paglilinis sa katawan tulad ng regular na paghuhugas ng kamay at pag-disinfect.