
Ni Lily Reyes
MAGANDANG balita!
Inianunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Lunes ng umaga na ibabalik muli ang Libreng Sakay o free ride program para sa mga jeepney at bus sa Nobyembre hanggang Disyembre ngayong taon.
“Itong buwan na ito ilalabas namin ang pera. Ibabalik po natin ang Libreng Sakay. Unahin po natin ang Metro Manila, kasama po ang mga jeepney,” pahayag ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III sa isang press conference.
“Iyong P1.3 billion tapos na po iyong joint memorandum circular. Ibaba na po ang pera. Alam mo ang hinahabol namin doon November-December para maagang pamaskong handog ng LTFRB,” dagdag pa niya.
Magugunitang una na ring nagkaloob ng libreng sakay ang gobyerno sa ilalim ng Libreng Sakay program nito. Matapos ang halos dalawang taon, natapos ang serbisyo ng libreng sakay sa EDSA Carousel o Busway system noong Enero 1, 2023. Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang Edsa Bus Carousel ay nakakapag-serbisyo ng humigit-kumulang 320,000 hanggang 390,000 pasahero araw-araw.