MATAPOS magviral sa social media ang video ng isang senador na tumatakbong kongresista sa isang lungsod sa Metro Manila, pinayuhan ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia ang mga botante na huwag magpabudol sa mga politikong puro lang pangako.
“Sa ating mga kababayan, nasa sa inyo ang mandato kung kayo ay naniniwala sa politiko. At pangalawa, kung inyong kakagatin ang mga ganung klase ng pangako ng mga kandidato,“ wika ni Garcia sa isang panayam.
Garantiya ni Garcia, mas magiging mahigpit ang Comelec sa vote-buying at vote selling sa pagsipa ng 90-day national election campaign sa Pebrero at 45-day local election campaign sa Marso.
Bagamat hindi man tinukoy ni Garcia ang politikong pinasaringan, una nang nagviral ang isang video ni Senador Cynthia Villar na tumatakbong kongresista ng las Pinas City. Sa naturang video, nangako ang outgoing senator na siya’y mamahagi ng lupa sa naturang lungsod.
Agad naman kinatigan ni Las Pinas Councilor Mark Anthony Santos ang pahayag ni Garcia. Magkalaban sina Villar at Santos sa lone congressional seat ng Las Pinas pagsapit ng Mayo ng susunod na taon.
Hirit ni Santos sa Comelec, magdispatsa ng monitoring team para bantayan ang vote-buying sa lungsod.
Noong nakaraang buwan, hiniling din ni Santos sa Comelec na isama ang Las Pinas sa talaan ng “areas ng concern” matapos umeksena si Villar sa loob ng simbahan – sa gitna pa man din ng misa.
Mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Omnibus Election Code ang pagbili at pagbebenta ng boto.
