
HINDI pa man nag-iinit sa pwesto, agad nagpamalas ng pagiging agresibo si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez sa direktibang pagtugis kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na pinaniniwalaang utak sa likod ng pamamaslang sa komentaristang si Percy Lapid noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Kabilang rin sa nakatakdang tugisin ng grupong binuo ni Nartatez ang deputado ni Bantag na si Ricardo Zulueta.
Buwan ng Abril pa nang maglabas ng mandamiento de arresto laban kay Bantag ang Muntinlupa at Las Pinas City Regional Trial Courts.
Ayon kay Nartatez, personal niyang pangangasiwaan ang manhunt operation laban sa dating BuCor chief na una nang inilarawan ‘armed and dangerous.’
May nakalaang P2-milyong gantimpala sa ikadarakip ni Bantag.