
NI EDWIN MORENO
PURO lang dada lalo na pag may nakamasid na media. Ganito ang paglalarawan kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro ng mga kaanak ng mga namayapang tinanggalan ng nitso nang wala man lang paalam sa naulilang pamilya.
Sa sabayang panayam, hayagang tinuligsa nina Ruben Labado, Joel Estolanio at iba pang kaanak ng mga bangkay na hinukay at tinambak lang sa isang sulok ng Barangka Municipal Cemetery sa Marikina City.
Anila, tengang-kawali ang alkalde sa kanilang kahilingan mabawi ang kalansay ng mga namayapang sumakabilang buhay sa kabila pa ng paulit-ulit na pakiusap at pagpapadala ng liham sa tanggapan ng Teodoro na nasa ikatlo at huling termino bilang mayor.
Pakiramdam ni Labado, para silang dalawang ulit namatayan bunsod ng pagtungkab sa labi ng kanilang mahal sa buhay nang wala man lang pasabi sa pamilya ng nakahimlay.
Giit pa ng grupo, limang taon ang kontrata sa pagitan ng pamahalaang lungsod at pamilya ng nakalibing — “Karamihan sa mga tinanggal sa nitso, nasa tatlong taon pa lang mula nung inilibing.”

Sa isang larawang ipinakita sa mga mamamahayag, tinambak ng mga kawani ng lungsod sa isang bahagi ng pampublikong sementeryo ang mga kalansay na sama-samang isinilid sa humigit kumulang 800 sako.
Una nang nabisto ang modus ng mga kawani ng lokal na pamahalaan na di umano’y nasa likod ng “illegal exhumation.” Batay sa mga lumabas na balita sa pahayagan, binebenta di umano ng sindikato ang mga nitso.
Wala pang pahayag ni Teodoro na naghain ng kandidatura noong nakalipas na buwan para sa posisyon ng kongresista sa unang distrito ng Marikina.