MATAPOS ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan sa lalawigan ng Leyte at Cavite, nagdagdag ng mga tauhan ang pamunuan ng Eastern Police District (EPD) para tiyakin ang seguridad ng mga mag-aaral sa apat ng nasasakupang lungsod.
Sa isang kalatas, inatasan ni EPD Director Brig. Gen. Melecio Buslig ang mga hepe ng lokal na pulisya na magdispatsa ng mga tauhan na magbabantay sa loob at labas ng mga eskwelahan — higit lalo sa oras ng pagpasok at paglabas ng mga mag-aaral.
Bilang dagdag-proteksyon, itinalaga na rin ni Buslig ang Tactical Motorcycle Riding Unit na inatasan magmasid at tumugon sa tawag ng saklolo sa mga kaganapan sa binisinidad ng malalaking eskwelahan.
Ayon kay Buslig, layon ng pulisya magkaroon ng kapanatagan ang mga mag-aaral, guro, at magulang — sa pamamagitan ng pagpapatrolya at pinaigting na police visibility.
“Ang kaligtasan ng lahat sa loob ng paaralan ang aming pangunahing prayoridad,” ani Buslig sa isang panayam.
