KINALAMPAG ng isang dating partylist congressman ang Korte Suprema na atasan ang Bureau of Corrections (BuCor) na maglabas ng ebidensya na nakakulong pa si dating Army Gen. Jovito Palparan.
Para kay dating Akbayan partylist Rep. Walden Bello, higit na angkop agad tugunan ng Korte Suprema ang inihaing mosyon na naglalayong isapubliko ang tunay na estado ng sentensyadong heneral.
Ayon kay Bello, dapat din ipagbigay alam ng BuCor kung saan nakakulong ang dating military general na hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa pagdukot at pagpatay ng dalawang estudyante ng University of the Philippines — sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.
Anang militanteng lider, lubhang nakakaalarma ang mga ulat na wala na sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City si Palparan.
Bagamat sinasabing nakakulong sa NBP, kataka-taka naman aniya ang mga natanggap na impormasyon ng mga pamilya ng dalawang estudyante — na inilipat sa ibang pasilidad ang tinaguriang berdugong heneral.
Binanggit ni Bello ang records ng mga notice na ipinadala ng Korte Suprema kay Palparan sa NBP na bumalik umano sa korte at nakasaad na inilipat si Palparan sa PMA Baguio o “transferred to Bucor-Baguio”.
Para kay Bello, malinaw na may irregularidad kung ang isang sentensyado ay dadalhin sa military facility tulad ng Philippine Military Academy na hindi naman aniya isang detention center.
“Beyond the brutal kidnapping of Sherlyn and Karen 20 years ago, Palparan has been implicated in countless human rights abuses in his bloody anti-communist campaign, including abductions and killings of activists,” ayon pa kay Bello.
“This is an extremely serious public interest case, and the Bureau of Corrections’ blasé response is unacceptable,” ani Bello.
