
SA halip na pagtuunan ang isang pangmatagalang solusyon, mas pinili pa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magbayad ng P3.336 bilyon sa mga kontratistang naghahakot ng basura sa National Capital Region (NCR).
Sa isinagawang pagsusuri ng Commission on Audit (COA) sa 2022 financial statement ng MMDA, lumalabas na higit na mas mataas ng 83% para sa nakalipas na taon ang naging gastusin ng MMDA kumpara sa P1.8 bilyon na naitala noong 2018.
Pinakamalaki naman ayon sa COA ang pagtaas sa mga taong 2019 at 2020 sa ilalim ng panunungkulan ni dating MMDA Chairman Danilo Lim na nagsilbi sa pagitan ng Mayo 2017 hanggang Enero 2021.
Sa breakdown ng hauling contract ng MMDA sa solid waste sa loob ng nakalipas na limang taon ang mga nagasta ay: P1.817 bilyon noong 2018; P2.049 bilyon (2019); P2.873 bilyon (2020); P3.218 bilyon (2021) at P3.336 bilyon sa 2022.
Sa ilalim ng Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management Act), inaatasan ang mga lokal na pamahalaan magpatayo ng sariling waste disposal facility batay sa takdang pamantayan sa ilalim ng naturang batas.
Tampok din sa RA 9003 ang waste reduction, reuse at recycling sa layuning pahabain ang tinatawag na lifespan ng mga sanitary landfills.
Sa datos ng MMDA para sa taong 2020, pumalo na sa 16.63 million metric tons ng basura ang kinolekta ng naturang ahensya.