
SA hangaring tiyakin ang kaayusan at kapayapaan sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mahigpit na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang gun ban sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, ang gun ban ay magsisimula ganap na alas-12:01 ng umaga ng Hulyo 24 hanggang alas-12 ng hatinggabi ng Hulyo 25.
Tanging ang mga miyembro lamang ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang law enforcement agencies na nasa oras ng trabaho at naka-uniporme ang pwedeng magdala ng baril, ani Fajardo.
Una nang sinabi ni PNP Chief Benjamin Acorda na humigit-kumulang 23,000 pulis at force multipliers ang ipapakalat para tiyakin na magiging maayos at payapa ang mga aktibidades na nakatakda sa naturang araw.
Paglilinaw ni Acorda, wala pa naman di umano silang natatanggap na anumang banta laban sa Pangulo – “With regards to threat assessment, wala tayong nare-receive na threat.”