SA dami ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga maliliit na sasakyan sa mga pangunahing lansangan, nakatakdang patawan ng multa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga may-ari at nagmamaneho ng mga e-bikes at e-trikes na bumabagtas sa mga national road.
Ayon kay MMDA Director for Traffic Enforcement Group Atty. Victor Nunez, tanging ang pinagtibay na resolusyon ng Metro Manila Council na lang ang kanilang hinihintay para na inihahandang paghihigpit sa mga lansangan.
“Nagkaroon naman po kami ng TWG (Technical Working Group) meeting last week, and halos lahat naman po ay in unison, unanimous po na gusto talagang magkaroon ng tamang regulasyon,” sambit ni Nuñez sa isang pulong.
Bukod aniya sa MMDA, kabilang riin sa mga ahensyang nagsusulong i-regulate ang mga e0bikes at e-trikes ang Department of Transportation, Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Pag-amin ni Nuñez, bagamat naglabas na ng administrative order ang LTO hinggil sa mga panuntunan sa paggamit ng mga national highway, hindi naman aniya pasok sa naturang kalatas ang aspeto ng parusa at multa.
“Iyon po ang problema kasi there’s no definitive fine for them. Nakalagay lang kung saan sila pwedeng dumaan at sino ang pwedeng magdala ng lisensya kapag ang e-bike mo or e-trike may maximum speed level – iyon lang po ang policy na iyon,” dagdag pa niya.
Una nang iminungkahi ng MMDA na obligahhin ang pagpaparehistro ng mga e-bikes at e-trikes, kasabay ng giit na pakuhanin ng lisensya ang nagmamaneho ng mga naturang sasakyan.
