WALA ng plano ang quad committee ng Kamara na imbitahan sa susunod na pagdinig si former President Rodrigo Duterte.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong lead chairman ng quad comm, sapat na ang nakuhang impormasyon sa dating pangulo kaugnay sa isyu ng kampanya kontra ilegal na droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Nobyembre 13 nang humarap si Duterte sa komite sa bisa ng paanyaya para magbigay ng panig kaugnay sa madugong giyera kontra droga.
“No need na siguro….Because yong 12-hour, 13 hours na meeting natin sa kanya basically yun na yung gusto nating marinig, a little more than what he revealed or what he admitted in the Senate,” ayon kay Barbers.
Kinumpirma rin ng kongresista na meron nang partial committee report matapos ang 12 pagdinig kaugnay sa extrajudicial killings sa war on drugs, criminal activities ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at illegal drug trade sa bansa.
Gayunpaman, nilinaw ni Barbers na itutuloy ang “investigation in aid of legislation” pagkatapos ng Christmas break ng Kongreso.
Pangunahing laman ng progress report ay ang mga rekomendasyon sa mga ahensya ng gobyerno kaugnay sa mga indibidwal na dapat kasuhan gayundin ang isinusulong na panukalang batas.