NI Lily Reyes
PATUNG-PATONG na kaso ang isinampa laban sa 54-anyos ng ginang na di umano’y nambudol ng aabot sa halagang P51-milyon investment sa isang pulis at negosyante sa Quezon City.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) chief, Major Don Don Llapitan, pormal nang sinampahan ng asunto si Glenda Alvera Navarro, promoter at may-ari ng NEUWAVE Events and Production, Inc., at residente ng No. 66 Naranghita, Quirino 2-A, Project 2, Quezon City.
Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang anim na iba pang pinaniniwalaang santgkot sa umano’y investment scam. Sinasabing hinikayat ng suspek ang pulis na si Lt. Matthew Bagtas Fajardo na nakatalaga sa Samar at ang negosyanteng si Bryan Dignadice Chua na mamuhunan sa kanilang kumpanya, NEUWAVE Events and Production, Inc.
Nagtiwala ang mga biktima at nagbigay ng halagang P23,000,000 at P28,600,000 matapos na pangakuan ng suspek na magkakaroon ng interes na 50 porsyento. Lalong nagtiwala ang mga biktima nang bigyan agad sila ng tseke ng kanilang investment kasama na ang interes.
Kinalaunan ay nalaman ng mga biktima na talbog ang ibinigay sa kanilang tseke kaya naman tinawagan nila ang suspek at sinabihan na ibalik na lang ang kanilang pea. Pero nagalit umano ang ginang at nagbanta kay Chua kasabay ng pagmamalaki sa di umano’y matibay na koneksyon sa Palasyo ng Malakanyang at maging sa Bureau of Immigration.
Bukod dito, tinawagan pa ng suspek ang pulis na si Fajardo na mag-invest ng karagdagang P16,000,000 sa isang KBLAST concert na naka-schedule sa Nobyembre 24, 2023. Gayunpaman, tumanggi si Fajardo ma sinuklian ng pagbabatang ipapatanggal sa pagiging pulis sa tulong ng di umano’y kasosyong opisyal ng Palasyo.
Dito na nagpasya ang mga biktima magpasaklolo sa CIDU na agad namang nagkasa ng entrapment operation sa Diliman, Quezon City kung saan nadakip ang suspek.
Kabilang sa mga inihain sa Quezon City Prosecutors Office laban kay Navarro ang mga kaso ng syndicated estafa, robbery (2 counts ng robbery extortion, at paglabag sa Batas Pambansa 22 (Anti-Bouncing Check Law) sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“The QCPD is dedicated to protecting the rights and interests of the public kung kayat hinihikayat namin ang publiko na maging mapanuri sa pagtingin sa mga investment opportunities. Alamin ang detalye, suriin ang mga legal na dokumento, at tuklasin ang background ng nag-aalok bago maglagak ng pera. Ito ay para maiiwasan natin ang mga posibleng scam at masisigurado natin na ang ating pera ay mapupunta sa tamang investment,” pahayag ni QCPD chief Brig. Gen. Redrico Maranan.
