
Ni Lily Reyes
HINDI lamang mga kontrobersiyal na kaso ang dapat nilulutas at pina-follow up ng mga mga pulis kundi maging ang mga ‘petty crimes’.
Ito ang binigyang diin ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief PBGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. matapos ang courtesy call ng mga miyembro ng NCRPO Press Club nitong Martes.
Ayon kay Nartatez, responsibilidad ng mga pulis na lutasin ang mga reklamo at krimen na idinudulog sa kanilang police station maliit o malaking kaso.
Hindi lamang mga kontrobersiyal o maimpluwensiyang kaso ang dapat na pinagtutuunan ng pansin ng mga pulis kundi maging ang mga snatching, holdup o physical injuries.
Sinabi ni Nartatez na dapat ay naibibigay ng pulis sa publiko ang kapanatagan na magiging daan upang maibalik ang tiwala sa kapulisan.
Dagdag pa ni Nartatez, dalawang bagay lamang ang nakikita niyang dahilan kaya hindi napapagtuunan ng pansin ng mga pulis ang mga ‘petty crimes’.
Ito ay ang katamaran at hindi alam ang kanyang trabaho.
Bunsod nito, inatasan ni Nartatez ang kanyang mga chief of police na siguraduhin na ang mga ‘petty crimes’ ay nareresolba sa kanilang nasasakupan na magiging basehan ng kanilang responsibilidad.
“Kahit pa simpleng kaso ‘yan, mananagot sa akin ang COP kapag nakatanggap ako ng reklamo,” dagdag pa ni Nartatez.