HINDI aalisin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang number coding scheme sa kabila ng ng matinding daloy ng trapiko kasabay ng holiday rush at nagpapatuloy na transport strike ng ilang grupo.
Ayon kay MMDA Assistant General Manager for Operations David Vargas na ang sitwasyon sa trapiko ay nananatiling “manageable.”
“Wala pang abiso ang ahensiya pero personally, hindi na ho tayo magsu-suspend ng number coding dahil manageable naman ang traffic,” ani Vargas.
Aniya, inaasahan nilang bubuti ang daloy ng trapiko sa susunod na linggo sa Metro Manila dahil marami na ang mga umuwi sa probinsya para samantalahin ang holiday season.
“Paglipas ng 25 ay halos nakauwi na ang ating mga kababayan sa kanilang mga probinsiya,” anang opisyal.
Nakapagtala na ang MMDA ng 20% pagtaas sa dami ng mga sasakyan ngayong holiday season.
Bilang tugon, nagpakalat na ng karagdagang tauhan upang ayusin ang daloy ng trapiko. Ang mga enforcer umano ay mananatili sa mga kalsada hanggang hatinggabi at wala muna silang day-off sa ngayon.
“‘Yung enforcers natin, pinahaba ‘yung schedule nila hanggang alas dose na and meron tayong no-day-off policy,” aniya.