HABANG papalapit ang pagpapalit ng taon, mas masigasig ang bentahan ng mga ilegal na paputok na nilalako sa iba’t ibang online platforms, pag-amin ng Philippine National Police (PNP).
Sa ulat na ibinahagi ng PNP, arestado sa isang buy-bust operation sa Tondo, Maynila ang dalawang indibidwal na umano’y nagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng PNP, dakong alas 5:18 ng hapon nang dakpin ng mga operatiba ng Manila Police District Anti-Cybercrime Team sina alyas Mon at Tom.
Narekober sa mga suspek ang mga paputok sa lagpas sa pinahihintulutan ng pamahalaan.
Paalala ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, maging mapagmatyag at huwag makipag transaksyon sa mga online sellers ng ilegal na paputok.
Sinampahan na rin ang dalawang suspek ng patong-patong ka kaso kabilang ang paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
Para kay Nartatez, lubhang mapanganib ang pagbili ng mga paputok sa mga hindi awtorisadong online sellers, kasabay ng paalala sa publiko na unahin ang kaligtasan ngayong papalapit ang Kapaskuhan at Bagong Taon. (EDWIN MORENO)
