
NAGWAKAS sa trahedya ang masayang outing ng isang pamilya matapos malunod ang 7-anyos na batang lalaki sa swimming pool sa Barangay Kaligayahan, Quezon City Linggo ng gabi.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 7:30 ng gabi nitong Linggo (May 18), nang maganap ang insidente sa swimming pool ng Olympus Subdivision Clubhouse na matatagpuan sa Olympus Road, North Olympus Subd. Brgy. Kaligayahan, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni P/SSg Erwin Jay A. Mendez, ang biktima kasama ang kanyang ina at iba pang mga kamag-anak ay nagdiriwang ng family outing sa nasabing lugar.
Sa gitna ng kasiyahan ng pamilya, nakita ng lolo na si alyas Galoyo, ang batang nasa ilalim ng swimming pool na may apat hanggang limang talampakan ang lalim.
Agad sinagip ng lolo ang apong mabilis na isinugod sa Bernardino General Hospital kung saan idineklarang dead on arrival ang biktima. (LILY REYES)