LUBHANG ikinagulat ng Department of Transportation (DOTr) ang daing ng mga tsuper kaugnay ng di umano’y labis-labis na pagsingil sa kanilang pag-aaply at renewal ng lisensya sa Land Transportation Office (LTO).
Tugon naman ng LTO, binubusisi na ng binuong technical working group (TWG) ang kabi-kabilang reklamong idinulog sa nasabing ahensya.
Ayon kay LTO Chief Jose Arturo Tugade, nirerebisa na ng kanyang tanggapan ang mga panuntunan kaugnay ng operasyon at singil ng mga pribadong kumpanya sa likod ng mga driving schools at klinika
Sa ilalim ng umiiral na patakaran ng LTO, kabilang sa mga kailangan isumite sa ahensya bago i-proseso ang pagkuha o renewal ng driver’s license, ang patunay na pasado sa pagsasanay ng driving school – at maging ang medical certificates na galing naman sa mga pribadong klinika.
Batay sa reglamento ng LTO, P250 lang dapat ang singil sa pagkuha ng student permit at P685 sa driver’s license – malayo sa P11,000 hanggang P15,000 na gastos na dulog ng mga nag-apply at nag renew ng kanilang lisensya.
Paliwanag ng mga LTO district offices, lumalaki lang ang gastos dahil sa kaakibat na requirements kabilang ang theoretical driving course (TDC) at practical driving course (PDC) ng mga aplikante kaya tumaas ang gastusin.
“LTO is aware of the issue of driving schools charging excessively for TDCs and PDCs which is why the agency is continuously conducting consultative meetings with stakeholders related to this activity. What we are proposing, which will be based on the recommendation of the TWG, is a reasonable standard fee-based structure for driving schools aimed for the benefit of the public,” salag ni Tugade sa mga ipinupukol na alegasyon ng pakikipagsabwatan ng LTO sa mga negosyante sa likod ng mga driving schools at klinika.