
TONE-TONELADANG basura sa mga daluyan ng tubig ang nakikitang dahilan sa likod ng mga pagbaha sa National Capital Region (NCR), ayon sa isang eksperto.
Paliwanag ni Climate Change Commissioner Albert Dela Cruz Sr., malaking bahagi ng hindi kinokolektang basura kada araw sa Metro Manila ay napupunta sa mga kanal, sapa at ilog na dapat sana aniya’y malayang daluyan ng tubig baha.
Para kay dela Cruz, hindi sapat ang ginagawang koleksyon ng basura – bukod pa sa kawalang disiplina ng mga taga Metro Manila, at nadagdag pa sa mga dipa tapos na pagawaing bayan sa mga kalsada sa kabisera.
Kabilang sa mga aniya’y lubhang naapektuhan ng pagbahang dulot ng malakas na buhos ng ulan sa nakalipas na dalawang linggo ang Makati, Manila, Mandaluyong, Parañaque, San Juan at Quezon City.
Panawagan ni Dela Cruz sa Climate Change Commission (CCC), suportahan ang pagbabago sa mga paggamit ng sanitary landfills na tambakan ng basura – mula sa limitadong solid waste facility, patungo sa waste-to energy (WtE) technologies.