MATAPOS bumida ang kabi-kabilang kontrobersyang kinasangkutan ng mga kandidato para sa iba’t ibang posisyon sa Sangguniang Kabataan, muling lumutang ang panawagan buwagin na lang ang Sangguniang Kabataan.
Pag-amin ni Jeanly Lin na tumatakbo sa posisyon ng SK chairman para sa Barangay San Bartolome sa Novaliches, Quezon City, hindi madali ang hamon sa sektor ng kabataan, lalo pa’t may mga aniya’y lider-kabataang ginagamit ng mga nakatatandang politiko sa katiwalian.
Gayunpaman, nanindigan si Lin na hindi ang pagbuwag ng SK ang solusyon, kasabay ng giit para sa mga mekanismong magbibigay-daan para sa malayang konseho.
“Nang isabatas ang paglikha ng konseho sa hanay ng kabataan sa bisa ng Konstitusyon, malinaw ang hangarin – hubugin ang sektor na itinuturing na pag-asa ng kinabukasan. Ang paglusaw ng SK at malinaw na paglabag sa Saligang Batas,” pahayag ni Lin.
Sa halip na sa buwagin ang SK, nanawagan si Lin sa mga kapwa kabataan na tumindig kontra trapo at isulong lamang ang programa at proyektong patungo sa landas ng pagbabago.
Paniwala ni Lin, hindi rin angkop na ma-etsa pwera ang mga kabataan sa pagpapasya.
“Let’s prove the doubting Thomases wrong. Hindi tayo SK lang. Let us be reminded sa sinabi Gat Jose Rizal na tayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan,” hirit pa ni Lin.
Panawagan ni Lin, huwag lahatin ang alegasyon sa sektor ng kabataan.
“Tama naman may ilang nagpapagamit sa mga nakakatandang politiko. Meron din mga naturuan kung paano gumawa ng pera, gayundin ang mga naghihintay lang ng sweldo. Pero ang lahatin kami, parang mali naman po yata.”
Taong 2013 nang unang isulong sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong buwagin ang SK na ayon sa mga mambabatas ay mistulang “training ground” ng katiwalian para sa mas mataas na posisyon.
Matapos ang limang taon, muling binuhay ni dating Senador Bam Aquino ang ang panukala.
“It’s more like a cycle, tuwing may SK election may mga epal na nagsusulong na isantabi ang kabataan,” obserbasyon ng SK bet na si Lin.
Sa ilalim ng umiiral na batas, tanging ang Kongreso lamang ang may mandatong amyendahan ang Saligang Batas.