INIUTOS ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos na sibakin sa puwesto ang police substation commander ng Pasay City matapos ang pagsalakay ng mga awtoridad sa katabing gusali kungsaan nadiskubre ang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hub na prente ng prostitusyon.
“Imposibleng hindi alam ito ng isang pulis sa substation. Lahat ng member ng substation at pending investigation ‘yung substation commander at mga tao roon ay for the meantime ay i-relieve muna pending investigation,” ani Abalos sa isang television interview nitong Linggo ng gabi.
Pinaiimbestigahan din ni Abalos ang hepe ng Pasay City Police at mga tauhan ng police substation malapit sa sinalakay na gusali.
Kaugnay nito, pinipigil parin ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mahigit sa 300 Chinese at iba pang foreign nationals.
Nauna nang pinalaya ng PAOCC ang 130 Pinoy.
Anim sa mga Chinese ang nakatakdang kasuhan matapos silang ituro bilang maintainer ng POGO at ng umano’y prostitusyon sa lugar.