
BINABALAK ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na taasan ang parusa sa mga pribadong motorista na gumagamit ng EDSA bus lane.
Sinabi ng MMDA na posibleng umabot ng hanggang P30,000 ang penalty ng mga lalabag sa batas simula Nobyembre 13.
Matatandaan na nauna nang inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang resolusyon na nagpapataas sa penalty sa mga gagamit ng bus lane sa EDSA.
Sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002, ang pinataas na multa sa pampubliko at pribadong sasakyan ay P5,000 sa first offense.
Aabot naman sa P10,000 at isang buwan na suspensyon ng driver’s license ang mahuhuli sa second offense, at kailangan din nitong sumailalim sa road safety seminar.
Habang ang fourth offense naman ay aabot sa P30,000 at rekomendasyon sa Land Transportation Office na tanggalan na ng lisensya.
“Based on our data and observation, there are those who are willing to pay the P1,000 fines and violate the exclusivity of the bus lane because they can afford it,” ani MMDA chairperson Romando Artes.
“Kalimitan kotse ng mayayaman,” dagdag pa niya.
Bago ang full implementation sa adjustment ng penalty, sinabi ni Artes na magsasagawa muna ang MMDA ng information campaigns upang alam ng publiko ang mas mataas na multa para rito.