MALAYO sa unang kilos protesta kontra korapsyon ang bunga ng maayos na koordinasyon at wastong paghahanda sa idinaos na Trillion Peso March.
Mula sa Command Center hanggang sa kalsada, kumilos ang Philippine National Police (PNP) bilang isang solidong pwersa — alerto, organisado, at magkakatuwang na isinakatuparan ang planadong pagtugon sa pagdagsa ng mga raliyista mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa loob ng Command Center, tutok ang mga opisyal sa real-time updates mula sa mga CCTV at ground units na nakakalat sa Metro Manila. Tahimik pero masinsinan ang operasyon, at mabilis ang pag-aayos ng deployment.
Sa gitna ng operasyon, inilatag ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang malinaw at matibay na direksyon. Ang kanyang kalmado pero matatag na pamumuno ang nagbigay-hugis sa operasyon, at makikita sa maayos na galaw ng bawat yunit kung paanong ang kanyang gabay at disiplina ay nagpapalakas sa PNP.
Bukod kay Nartatez, kabilang rin sa mga nakatutok sa sitwasyon si Interior and Local Government Secretary Juanito Victor Remulla, na nagpatibay sa koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan at pulisya.
Sa ground operations, malinaw at maayos ang koordinasyon. Kontrolado ang trapiko, consistent pero hindi mabigat ang police visibility, at maagap na naresolba ang mga posibleng maging isyu. Tumulong ang mga pulis sa mga kalahok sa rally, nag-abot ng direksyon sa mga motorista, at nagpanatili ng hinahon at ligtas na daloy ng programa.
Higit pa sa kilos protesta, naging kapuna-puna ang kakaibang postura ng PNP bilang isang institusyon. Ipinamalas ng kapulisan ang disiplina, kahandaan, at pagtutulungan sa bawat bahagi ng operasyon. Sa Command Center man o sa kalsada, sabay-sabay at maayos ang pagkilos ng mga kapulisan, na nagbigay ng tiwalang ramdam ng publiko.
Sa araw na kinakailangan ang disiplina at koordinasyon, mahusay na tumugon ang PNP. Mula umpisa hanggang huli, napanatili nila ang kaayusan bilang patunay na handa ang organisasyon.
