
HINDI na nagawa pang pumalag ng isang pulis matapos arestuhin ng mga kabaro kaugnay ng pagdukot sa isang turistang Tsino sa Pasay City.
Bukod sa 39-anyos na si Lordgin Antonino, timbog din ang estudyanteng anak na kinilala sa pangalang Nelson Antonino habang naghihintay sa perang pantubos sa biktimang si Zou Yunqing.
Sa imbestigasyon, dinampot di umano ng mag-amang Antonio si Yunqing sa Pasay City sa hindi pa matukoy na paglabag. Subalit sa halip na dalhin sa presinto para sa karampataqng pagsasampa ng kaso, ikinulong ang biktima sa Qing Qing Hotel sa Barangay 74 ng nasabing lungsod.
Doon na umano inutusan ng mga Antonino ang Tsino na tumawag sa mga kaanak o kaibigan para magdala ng P500,000 para sa kanyang kalayaan.
Pero sa halip na magdala ng perang pantubos sa kaibigan, humingi ng tulong si Law Yi Wei sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Dito na nagkasa ng entrapment operation and mga operatibang agad na nagtungo sa itinakdang tagpuan kung saan nasagip ang biktima kasabay ng pagdakip sa mga suspek.
Nakuha sa pag-iingat ng mag-amang Antonio ang isang baril, mga bala, pera, tatlong cellphones at iba’t-ibang ID.