KAPALPAKAN at kabiguang pigilan ang hoarding at price manipulation sa sibuyas ang nagtulak sa isang prominenteng kongresista isulong ang pagbibigay ng pisong budget sa Bureau of Plant Industry (BPI) para sa susunod na taon.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Agriculture, hayagang kinastigo ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang naturang kagawarang ‘tulog sa pansitan’ sa gitna ng hayagang pagsasamantala ng mga ganid na negosyante.
Para kay Tulfo, hindi ginagawa ng tama ng mga opisyales ng BPI ang trabahong kalakip ng pwesto sa gobyerno.
“Napaka useless nitong BPI na ito, wag na bigyan ng budget yan. You guys are not doing your job. May monitoring pero sasabihin niyo may guidelines at wala kayong magawa… eh di useless. Gawin na lang namin ang trabaho niyo at wag na kayong bigyan ng budget,” galit na pahayag pa ng ranking House official.
“Might as well we just give you na P1 peso na budget. Aabangan ko pag sumalang kayo sa plenary sa inyong budget,” babala ng kongresista.
Hindi rin di umano katanggap-tanggap ang kawalang aksyon ng BPI sa matapos matunton ang mga pasilidad kung saan ikinukubli ang supply. Paliwanag ng solon, hindi na sana tumaas pa ang presyo ng sibuyas sa merkado kung nailabas agad sa mga pamilihan ang bulto-bultong sibuyas na nabulilyaso.
Depensa naman ni William Mugot ng BPI, tali ang kamay ng kawanihan bunsod ng mga umiiral na panuntunan at patakaran. Aniya, ang tangi nilang magagawa – iimbak ang sibuyas sa mga cold storage facilities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“We are bound to our guidelines. The present guidelines ay hindi talaga namin mako-compel yung mga traders sa mga warehouse to release their stocks. We are currently amending the regulations,” paliwanag pa ni Mugot.
Hindi naman kinagat ni Tuldo ang aniya’y palusot ni Mugot,
Katunayan pa aniya, bumagsak ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan matapos na pamunuan mismo ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagsasagawa ng surprise inspections sa major public markets at warehouses.
“It took the oversight committee of Congress at hindi po trabaho ng Kongreso na mag-ikot nang mag-ikot para gawin ang trabaho nyo. Mr. Chair dapat po gawain ito ng BPI and it’s the responsibility of the BPI to do that,” sabi pa ng ACT-CIS partylist lawmaker.
“Meron naman pala kayong monitoring meron pala kayong visitation power. Eh sako sako ang andun, why wait for the oversight. Si Speaker Romualdez pa ang kailangang mag-ikot, si Cong Mark Enverga pa ang kailangang mag-ikot para makitang may over supply ng sibuyas na sobra ang presyo?”
Samantala, hiniling din ng kongresista sa nasabing komite na ipa-subpoena ang ilang supermarket officials na hindi nakadalo sa pagdinig sa Kamara.
Kabilang sa nais isalang sa pagpapatuloy ng pagdinig ang mga opisyal ng Puregold, Robinsons Mall, Gaisano Mall at Power Plant Mall.
“Mukang hindi po tayo sineseryoso ng mga ito at hindi po sila natatakot sa atin. We have to send them subpoena”