HINDI pa man nagtatagal sa sa pwesto, agad na sinibak ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brigadier General Redrico Maranan ang anim na pulis na nag-imbestiga sa road rage incident na naganap noong Agosto 8, 2023 sa bandang Welcome Rotonda, Barangay. Don Manuel, Quezon City.
Paglilinaw ni Maranan, layon ng naturang hakbang bigyang-daan ang isang patas na imbestigasyon at para matukoy ang aniya’y ‘lapses’ lapses sa paghawak ng mga kasong idinudulog sa himpilan ng pulisya.
Kabilang sa ‘pinagbakasyon’ ang tatlong kabaro mula sa Galas Police Station, habang ang nalalabing tatlong iba pa ay mula sa District Traffic Enforcement Unit (DTEU). Pansamantalang inilipat sa District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) ang mga hindi pinangalanang pulis.
Agosto 8 nang maganap ang insidenteng kinasasangkutan ng isang Wilfredo Gonzales na nanakit at nanutok sa siklistang si Allan Bandiola. Sa tulong ng mga netizens, nagviral ang video ng insidenteng pinaniniwalaang sanhi ng gitgitan sa kalsada.
Sa pag-upo bilang QCPD chief, tiniyak na Maranan ang kaayusan at kapayapaan sa lungsod na nasasakupan.
“Sama sama nating patutunayan na ang pulis QC ay laging respetado ang mamamayan. Narito kami upang paglingkuran, protektahan, at iangat ang ating komunidad sa lahat ng paraan na posible.”