Ni Lily Reyes
NAGTAMO ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang rider at angkas na babae makaraang tumilapon nang mabangga ng dump truck ang sinasakyang motorsiklo sa Quezon Avenue Flyover sa Quezon City.
Kinilala ni Cpl. Kenneth Refugia ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6 ang mga biktimang sina Arlyn Ruby ng Barangay Culiat at ang rider na driver ng motorsiklo na si Dionel Baclas Besa na residente naman ng Caloocan City.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng dump truck na si Alfred Regala Muli ng Porac, Pampanga.
Sa imbestigasyon, kapwa patungong northbound ang mga biktima na sakay ng motorsiklo ng biglang kumabig pakaliwa ang truck at nabangga ang motorsiklo saka tumilapon ang mga sakay nito sa ilalim ng flyover sa lungsod.
Agad na isinugod naman ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority at QC Task Force Disiplina ang mga biktima sa East Avenue Medical Center.