Ni Lily Reyes
NAKUMPISKA ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga hinihinalang shabu at marijuana sa isinagawang greyhound operation sa loob ng Manila City Jail Annex, sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, Miyerkules ng umaga.
Sa report ng PDEA, bandang alas-6:00 ng umaga nang isagawa ang greyhound operation ng mga otoridad sa pangunguna ng PDEA Regional Office – National Capital Region K9 Unit at PDEA RO NCR Seaport Interdiction Unit, katuwang ang mga personnel ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Manila City Jail Annex.
Nadiskubre sa naturang operasyon ang 49 sachet ng nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu, limang sachet ng humigit-kulang sa tatlong gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at mga drug paraphernalia.
Ayon sa PDEA, ang mga naturang ilegal na droga ay nadiskubre nilang nakatago sa loob ng tsinelas ng person deprived of liberty (PDL) na si Elymark dela Cruz, 25.
Mayroon din umano silang nakitang walong sachet ng hinihinalang shabu na nasa isang gramo ang timbang, sa isang basurahan. Sasampahan muli ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya ang nasabing suspek.