
Ni Lily Reyes
NAGBABALA ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nakataas pa rin ang red tide alert sa ilang coastal water sa Pilipinas.
Ang mga apektadong tubig sa baybayin ay sa Roxas City, Sapian Bay, President Roxas, Panay, Pilar pawang nasa Capiz; baybaying tubig ng Gigantes Islands, Carles sa Iloilo; baybaying tubig ng Dauis; Tagbilaran sa Bohol at Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur Sa abiso ng BFAR nitong Martes, ay sinasabing ang lahat ng uri ng shellfish at acetes o alamang na nakolekta mula sa mga nasabing lugar ay hindi ligtas para sa pagkonsumo ng tao.
Ayon pa rin sa BFAR, lahat ng uri ng shellfish at acetes sa mga lugar ay positibo para sa Paralytic Shellfish Poison (PSP), isang nakakalason na red tide na lampas sa kanilang limitasyon sa regulasyon.
Sa website ng bureau, ang shellfish na kontaminado ng PSP ay maaaring magdulot ng gastrointestinal at neurological na mga sakit sa mga tao. Pinapayuhan ang publiko na huwag mag-ani, magbenta, bumili, o kumain ng shellfish at acetes mula sa mga nasabing lugar.
Nilinaw naman ng BFAR na ligtas kainin ang mga isda, pusit, hipon, at alimango basta’t sariwa at hugasan ng maigi. Dapat din umanong alisin ang hasang at bituka bago lutuin.
Samantala, kasunod ng kanilang advisory noong Setyembre 9, sinabi ng BFAR na ang mga coastal water ng Altavas, Batan, at New Washington sa Batan Bay, Aklan, ay ligtas na sa nakalalasong red tide.