NANINIWALA ang Meralco na malaki ang posibilidad na matapyasan ang singil sa kuryente sa pagpasok ng buwan ng Hulyo.
Paliwanag ng Meralco, malaking bentahe ang pagtatapos ng tag-init at paghina sa konsumo sa kuryente.
Bumaba na rin umano ang presyo ng kuryente sa spot market kompara noong mga nakaraang buwan.
“May posibilidad na bumaba ang generation charge dahil lang noong June, nagsimula na ang tag-ulan at pangalawa, bumaba na ang presyo ng coal sa market, na inaasahan naming magre-reflect na sa billing ng aming suppliers,” ani Meralco regulatory affairs head Ronald Valles.
Samantala, malaki rin ang mababawas sa presyo ng kuryenteng gawa gamit ang liquefied natural gas (LNG) sa panukalang batas ni Albay Rep. Joey Salceda.
Ayon kay Salceda, walang ipapataw na excise tax sa imported na LNG kaya mas magiging mura ito kompara sa langis at coal. Wala rin umanong value-added tax ang kuryenteng mapo-produce galing sa LNG.
Para sa Meralco, mas makakamura ang consumers sa imported LNG kompara sa kuryenteng bibilhin sa spot market.
Samantala, may namumurong good news din sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa unang tatlong araw kasi ng trading sa world market, lagpas P1 na ang ibinagsak sa presyo ng gasolina habang halos P1 naman sa diesel.
“Ang nakikita natin dito ay baka mag-steady na lang dito, kasi walang trading today at may possibility na sakaling tumaas ang [Mean of Platts Singapore] by Friday, baka ang effect nito ay hindi na ganoon kalaki. So ang nakikita natin talaga ay tuloy na tuloy ang rollback next week,” ani Jetti Petroleum President Leo Bellas.
Pagdating naman sa liquefied petroleum gas (LPG), bagaman inunahan na ng Regasco ang bawas-presyo, posibleng mag-anunsiyo pa sa Biyernes ng price adjustment ang ibang malalaking players para sa presyo ng LPG sa Hulyo.