Ni LILY REYES
TIMBOG sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa mga suspek sa likod ng pananambang ng isang peryodista noong Hunyo ng nakalipas na taon.
Ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Redrico Maranan, dinakip si Jomari Campillo sa harap ng Quezon City Hall of Justice matapos dumalo sa hearing ng kasong illegal possession of firearms.
Si Campillo ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 86 para naman sa kasong Frustrated Murder sa kay Remate news photographer Joshua Abiad, at sa mga kaanak nito noong Hunyo 29 sa panulukan ng Corumi at Gazan Sts. sa Barangay Masambong ng nabanggit na lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, si Campillo ang nagmamaneho ng isa sa dalawang motorsiklong ginamit ng mga salarin sa pananambang sa kotse kung saan nakasakay ang pamilyang Abiad.
Binawian ng buhay ang pamangkin ni Abiad. Sugatan naman ang peryodista, dalawang kaanak at isang bystander na nahagip lang ng bala.
Batay sa impormasyon nakalap ng Saksi Pinas, lumalabas na kabilang sa 10 Most Wanted (District Level) si Campillo na unang inaresto matapos makunan ng baril dalawang linggo matapos ang insidente. Agad naman nakalaya ang suspek matapos maglagak ng piyansa.
