“Delicadeza naman!” Ito ang mensahe ni dating Comelec Commissioner sa aktres at ngayon ay konsehal ng Quezon City na si Aiko Melendez.
“Hindi maganda kapag nakikita ng tao na ginagawang entertainment ang trabaho namin lalo na sa session hall. Kahit delicadeza na lang,” ayon kay Atty. Rowena Guanzon nang mapanood nito ang Tiktok ni Melendez.
Una dito ay umariba sa Tiktok sa tono ng “Touch My Body” ni Mariah Carey si Aiko at nagsayaw kasama ang isang lalaki sa harapan pa umano ng malaking bandila ng session hall.
“Bakit dyan pa eh may napakalaking flag pa ng Pilipinas doon, ‘di ba? Parang kawalan ng respeto sa institusyon,” giit ni Guanzon.
Hindi rin sang-ayon ang abogadang si Guanzon sa argumento ng kampo ni Aiko na wala namang session nang mag-Tiktok sila sa session hall.
“Yung session hall ay para lang po yun sa session ng Sanggunian natin, magpasa ng mga binasa at iba pang tungkulin nila. Nakakababa po ng tingin ng ating mga kababayan,” ani Guanzon.
“Tignan nila ang Civil Service Rules. May nakasaad doon na ang bawat opisyal ng gobyerno o pampublikong empleyado ay dapat kumilos nang may kagandahang-loob. Ang nilabag nila dyan ay yung paniwala at ekspektasyon ng mga tao na ang Sanggunian session hall ay para lamang sa paggawa ng mga katungkulan nila, at hindi para sa kasiyahan yan,” paliwanag ng dating Comelec Commissioner.
Batay sa Rules on Administrative Cases ng Civil Service, pasok sa disgraceful at immoral conduct ng isang public official ang kawalan ng “basic norm or decency, morality and decorum abhorred and condemned by the society.”
Dagdag ni Guanzon, may karampatang parusa mula anim na buwan hanggang isang taong suspensyon ang sinumang opisyal ng pamahalaan na lalabag sa unang pagkakataon, habang dismissal from service naman aniya para sa pangalawang offense.