GANAP nang sumipa ang isang linggong tigil-pasada ng mga operator at tsuper ng mga pampasaherong traditional jeeps ssa iba’t ibang bahagi ng bansa, bilang pagtutol sa isinusulong na PUV Modernization Program ng gobyerno.
Sa halip na mamasada, pinili ng mga apektadong operators at drivers na lumahok sa magkakahiwalay na kilos-protesta.
Gayunpaman, kagyat na tumugon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at maging ang mga local government units (LGU) na naglibot sa kani-kanilang lokalidad para sa ‘libreng sakay’ bilang tugon sa malawakang welga sa National Capital Region (NCR) at sa iba’t ibang pangunahing lalawigan at lungsod sa labas ng kabisera.
Sa Maynila, 300 sasakyan kabilang ang 280 e-trikes, 32 bus, pick-up at truck na pag-aari ng Manila City government ang nakaantabay mula alas 4:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa mga pangunahing ruta.
Maging ang Manila City Jail sa pamumuno ni Jail Warden Supt. Mirasol Vitor, idinispatsa ang bus na karaniwang gamit sa paghahatid ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa tuwing may pagdinig ang husgado.
Kabilang rin sa mga tumugon sa kapos na public transpo bunsod ng tigil pasada ang lungsod ng Pasig, Quezon City, Caloocan at Muntinlupa.
Sinuspinde rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang implementasyon ng expanded number coding scheme sa 17 lokalidad sa rehiyon.
Mahigit 100,000 public utility vehicles (PUVs) ang nagpahiwatig ng pakikiisa sa pinakamalawak na tigil pasada sa mga nakalipas na taon.